Paghahanap
(daramhati ng isang bulag)
Nasaan ka na ba? Nais na kitang makita Sana naman, huwag kang magtagal; Iyan ang tangi kong dasal. Ako ay nabubuhay sa mundo ng karimlan O pag-asa, kailan ka pa ba matatagpuan? Adhika ko'y masilip ang iyong kariktan; Upang itong hininga'y mabigyan ng kabuluhan. Patuloy pa ring bumubuhos ang luha, Nahahapis sa natamong diwara Puso ay napingas May darating pa kayang lunas? Kung tunay kang mahiwaga, o langit Kapagdaka'y burahin mo itong sakit; Huwag sana sa akin ipagkait Na minsan mabuksan, mga matang nakapikit. Buong buhay nang nangangapa Kailan ko pa ba malalasap ang ginhawa? Munting pangarap, sana'y makaalpas; Matakasan ang madilim na landas. Pananaw ko sa buhay, patuloy na lumalabo Walang nahahanap, nadidiin pa lalo; Nais lang naman ay tunay na karinyo, Hindi ang pang-aapi sa mundong mapaglaro.
Share this content:
Post Comment
You must be logged in to post a comment.